Aurora at Quezon Province, hinatiran ng tulong ng Philippine Army

Walang patid ang paghahatid ng tulong ng Philippine Army (PA) sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Karding.

Ayon kay Army Public Affairs Chief Col. Xerxes Trinidad, inasistehan ng mga tropa ng 91st Infantry Battalion, 7th Infantry Division ang mga pulis at iba pang government responders sa paghahakot ng ayuda patungong Barangay Poblacion, Dingalan, Aurora.

Nahatiran nila ng food packs, multivitamins, at gamot ang mahigit isang libong pamilya sa coastal barangay ng Umiray sa Dingalan.


Gamit naman ang mga Army Support Command trucks, matagumpay ring naibiyahe ng Headquarters and Headquarters Support Group (HHSG) at Philippine Coast Guard (PCG) ang mga relief goods na kaloob ng isang non-government organization patungo sa mga apektadong pamilya sa Polillo Island sa Quezon Province.

Sinabi pa ni Trinidad na mas madaming mga aktibo at reserve forces ang isinasabak nila sa humanitarian assistance at disaster response efforts upang mahatiran ng karampatang tulong ang mga kababayan nating naapektuhan bagyo.

Facebook Comments