
Nakatakdang bumisita sa bansa ngayong linggo si Australia Deputy Prime Minister at Defence Minister Richard Marles para paigtingin ang ugnayang pangdepensa ng Australia at Pilipinas.
Magkikita sina Marles at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa ikalawang Australia-Philippines Defence Ministers’ Meeting na gagawin sa Biyernes sa Makati City.
Ayon sa Department of National Defense (DND), tatalakayin sa pulong ang pagpapalakas ng kooperasyong pangdepensa, kabilang na ang capacity building at pagpapahusay ng interoperability ng dalawang bansa.
Kasama rin sa magiging agenda ni Marles ay ang pagbisita sa mga tropang Australian na kasali sa Alon exercise 2025, ang pinakamalaking overseas joint training activity ng Australia ngayong taon.
Bago ang pagdating sa Pilipinas, dumalo muna si Marles sa 5th Malaysia-Australia High Level Committee on Defence Cooperation sa Malaysia kasama si Defence Minister Mohamed Khaled bin Nordin.









