
Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang Australian national sa Makati City dahil umano sa paggamit ng iba’t ibang pekeng pagkakakilanlan at pananatili sa bansa nang walang kaukulang visa.
Kinilala ang banyaga na si Dayle Marc George Campbell, 33, na naaresto sa Pertierra Street, Poblacion, Makati kasunod ng isinagawang operasyon ng FSU katuwang ang Makati City Police Station–Intelligence Section.
Ayon sa mga awtoridad, kilala rin si Campbell sa mga alyas na Dion Munro at Daniel John.
Batay sa impormasyon mula sa Embahada ng Australia may kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 kaugnay ng insidente noong 2021 sa kanyang kinakasama.
Kinumpirma naman ng United States Drug Enforcement Administration (DEA) na si Campbell ay iniimbestigahan dahil sa umano’y money laundering at bentahan ng droga.









