Pinapaimbestigahan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa House Resolution 1058 ang “authenticity” ng titulo ng lupa na kinatatayuan ng ABS-CBN Corp.
Nakwestiyon ni Marcoleta sa ginawang imbestigasyon sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN ang photocopy ng Duplicate Certificate of Title na iprinisenta ng network.
Giit ng Kongresista, malabo at photocopy lamang ang kopya ng titulo at hindi original certificate copy.
Bago pa man makakuha ng certified electronic copy ang network ay nakakuha na ng kopya ang mambabatas mula sa registry of deeds sa Quezon City kung saan lumalabas na ang titulo ng ABS-CBN ay iba ang nilalaman na technical description, location at area.
Bukod dito, inihain din ni Marcoleta kasama ang anim pang mambabatas ang House Resolution 1040 para naman sa pagsasagawa ng congressional probe sa mga loans ng Lopez Family Businesses na umano’y binawasan ng Development Bank of the Philippines (DBP).
Inihain naman ni Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla ang House Resolution 1015 para naman maimbestigahan ang sinasabing mga paglabag ng AMCARA Broadcasting Corporation sa broadcast franchise nito.