Inilunsad ng National Task Force against COVID-19 ang isang automated system para sa mga returning overseas Filipinos na siyang makakasigurong lalabas ang resulta ng kanilang test results sa loob ng tatlong araw.
Ayon kay Deputy Chief Implementer Vince Dizon, layunin ng sistema na mapadali ang proseso at hindi na mahirapan ang mga umuuwing Pilipino.
Bago lumipad pabalik ng Pilipinas, ang mga returning Filipinos ay kailangang magparehistro online sa ilalim ng Philippine Red Cross System sa pamamagitan ng pag-fill out ng e-case investigation form.
Kinakailangan nilang mag-upload ng bio page ng kanilang mga pasaporte.
Pagkatapos, makakatanggap sila ng Quick Response o QR code na i-iscan pagkadating nila ng Pilipinas.
Kapag na-scan na ito ng mga local authorities, ang mga returning Filipino ay bibigyan ng bar code para sa kanilang passport at kanilang swab testing.
Pagkatapos makolekta ang kanilang swab samples, maaari na silang magtungo sa Immigration area.
Kapag naka-clear na sila sa Immigration, ihahatid ang mga returning Filipinos sa quarantine facility.
Ang resulta ng kanilang COVID-19 test ay ilalabas sa loob ng tatlong araw sa pamamagitan ng email o text message.
Ang mga magpopositibo sa COVID-19 ay ililipat sa ibang quarantine facility.
Ang automated system ay ipapadala sa lahat ng international airports sa bansa kabilang ang Clark at Mactan.