Ipinababasura na ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite sa pamahalaan ang automatic debt servicing o ang otomatikong paglalaan ng pondo sa ilalim ng national budget para pambayad utang ng bansa.
Ang apelang ito ay kasunod na rin ng paglobo pa ng utang ng pamahalaan na aabot na sa P11.92 trillion.
Ayon kay Gaite, ang Pilipinas na ang pinakamalaking borrower ng World Bank, dapat nang pag-isipan ng Duterte administration na ibasura na ang automatic debt servicing law na inumpisahan noon pang Marcos era.
Kung hindi aniya uunahin ng pamahalaan ang mga dapat na i-prayoridad ay mas lalong mababawasan ang alokasyon para sa basic at social services sa mga Pilipino.
Kaugnay rito ay kinakalampag ng kongresista partikular ang Malacañang na pag-aralan at iprayoridad ang House Bill 4087 o ang” Repeal the Automatic Appropriation for Debt Service Bill”.
Kung maipapasa ang panukala ay mareremedyuhan ang matagal nang depekto sa budget policy ng gobyerno tulad na lamang ng pagbabayad sa mga kwestyunableng utang.
Kapag nangyari ito, mas malaki na ang pondong mailalaan sa mga programang mabebenepisyuhan ang mga Pilipino.