Automatic income classification sa mga LGUs, lusot na sa Senado

Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na automatic income classification ng mga Local Government Units (LGUs).

Ang nasabing panukala ay isa sa mga priority bills ng administrasyong Marcos.

Sa botong 22 na pabor, 2 tutol at wala namang abstention ay nakalusot sa plenaryo ng Mataas na Kapulungan ang Senate Bill 2165.


Ayon kay Senate Committee on Local Government Chairman Senator JV Ejercito, ang income classification ay hindi lang nagtatakda ng financial capability ng mga LGUs na magpatupad ng mga programa, kundi may epekto rin ito sa sweldo ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan, administrative aids, financial grants at iba pang ayuda sa lokal na pamahalaan.

Kapag naging ganap na batas ang panukala, ang mga probinsya, lungsod at munisipalidad ay igrugrupo sa anim na income classes batay sa kanilang pinansyal na kakayahan.

Nakasaad sa panukala ang pagsasaayos ng klasipikasyon ng mga LGUs kada tatlong taon para maisabay sa termino ng mga lokal na opisyal; pagtatakda ng income threshold para sa mga probinsya, siyudad at munisipalidad at pagbibigay kapangyarihan sa finance secretary na i-classify ang mga LGU at repasuhin ang kanilang income range.

Tinitiyak din sa panukala na walang opisyal o empleyado ng LGU ang makakaranas ng pagbaba ng sweldo at benepisyo sa magiging unang income reclassification.

Facebook Comments