AUTOMATIC LOCKDOWN SA BAYAN NG STA. BARBARA, PINABULAAN NG PAMAHALAANG LOKAL

STA. BARBARA, PANGASINAN – Binigyang-diin naman ngayon ng alkalde ng bayan ng Sta. Barbara na hindi sasailalim sa “automatic lockdown” ang bayan, kasabay ng ginawang pagpupulong sa pagitan ng Department of Health at Municipal Task Force Against COVID-19 na ayon sa kanya, anumang desisyon at COVID-related measures ay dadaan sa konsultasyon sa Task Force, at ipatutupad nang may koordinasyon sa higher government authorities.

Sa pagsipa rin ng bilang ng COVID-19 active cases sa Sta. Barbara, inirekomenda namang palawigin ang umiiral na health protocols at safety standards sa lokalidad.

Sa bisa ng Executive Order No. 155-2020, kanselado muna ang mga public gathering, maging ang pagkonsumo ng alak sa labas ng tahanan at pagsasagawa ng mga outdoor sports.


Natalakay din ang pagpataw ng zonal containment o lockdown sa piling apektadong lugar, base na rin sa Operation Listo interim guidelines ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa naturang guidelines, ang pagdedeklara sa isang lugar bilang critical zone o lockdown area ay nakabatay sa bilang ng COVID case at sa distribusyon nito sa isang geographic unit.

Sa kabila ng naging paglilinaw ng Provincial Government sa naging viral post na “automatic lockdown” sa mga diumano’y high-risk areas, nanindigan ang alkalde na daraan sa proseso ang anumang aksyon.

Patuloy naman ang panawagan nito na maging mapanuri, maalam at huwag padadala sa Fake News.

Facebook Comments