Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang ‘automatic refund’ sa mga subscribers ng mga telecommunication companies at Internet Service Providers (ISPs) na makakaranas ng palpak na serbisyo na aabot ng 24 oras o higit pa sa loob ng isang buwan.
Nakapaloob ito sa inihain ng senador na Senate Bill 2074 o Refund for Internet and Telecommunications Service Outages and Disruptions Act.
Pinaaamyendahan ng panukalang batas ang Republic Act 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act of the Philippines kung saan isisingit dito ang probisyon na magtatakda ng refund credit para sa mga customers na nakaranas ng service disruption.
Sa ilalim ng panukala, pinalalagyan ng mekanismo ang mga telcos at ISPs para sa awtomatikong refund o kabawasan sa singil sa serbisyo sa parehong postpaid at prepaid subscribers sa tuwing maantala ang kanilang serbisyo.
Paliwanag ni Estrada, nararapat lamang ang refund lalo na kung nabalam ang serbisyo na aabot sa 24 oras lalo pa’t ang mga telcos ay mabilis pa sa alas kwatro kung makapagputol ng serbisyo kapag hindi agad nakapagbayad ang customer ng bill sa itinakdang due date.
Punto pa ng senador, mahalagang matiyak na ang bawat sentimong ibinibayad ng mga subscribers ay natatapatan ng maayos na serbisyo at hindi naman sila dapat singilin sa mga serbisyong hindi nila natatanggap.