Automatic suspension ng excise tax sa mga produktong petrolyo, isinusulong sa Senado

Isinusulong ni Senator JV Ejercito ang pagkakaroon ng mekanismo para sa automatic suspension ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Tinukoy ng mambabatas na patuloy na nakararanas ang bansa ng paiba-ibang presyo sa produktong petrolyo na epekto ng iba’t ibang global market factor tulad ng nangyaring kaguluhan sa Middle East.

Sa Senate Bill no.5 ay ipinapanukala ang otomatikong pagsuspinde ng singil sa excise tax para sa regular gasoline, unleaded premium gasoline at diesel kapag ang presyo ng average Dubai crude oil ay pumalo o lumagpas sa 80$ sa kada bariles.

Paliwanag ni Ejercito, maaari lang magrekomenda ang Department of Finance (DOF) ng suspensyon ng pagtaas ng excise tax pero hindi ang pagpapataw ng mismong buwis.

Kinakailangan aniya ng batas para masuspindi ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang matugunan ang patuloy na tumataas na presyo ng langis.

Malaking kaluwagan aniya ito lalo na sa mga low-income households at maliliit na negosyo.

Facebook Comments