Autopsy report ng Grade 5 student na namatay umano dahil sampal ng kanyang guro, ilalabas ngayong linggo ng PNP

Inaasahang mailalabas na ng Philippine National Police (PNP) Medico Legal Division, ang autopsy report sa pagkamatay ng Grade 5  student na si Francis Jay Gumikib na namatay umano dahil sa sampal ng kanyang guro.

Ayon kay Dr. Hector Sorra, Medico Legal Division chief ng PNP Forensic Group mamadaliin nila ang paglalabas ng autopsy result.

Aniya, magsasagawa rin sila ng Histopath exam sa mga labi ng biktima.


Layon nitong mas masuri o magsagawa ng microscopic exam sa sample tissues upang malaman ang dahilan ng kamatayan ng bata.

Karaniwan aniyang tatlumpung araw bago mailabas ang histopath pero sisikapin nila itong mapabilis at matapos ngayong linggo.

Sa oras na matapos ang mga pagsusuri agad nilang isusumite sa Antipolo City Police ang resulta para sa paghahain ng reklamo laban sa guro ni Gumikib.

Facebook Comments