Autopsy report sa bangkay ng lalaki na natagpuan sa Bulacan, ngayong weekend pa lalabas

Manila, Philippines – Ngayong weekend inaasahang lalabas ang autopsy report sa pinaniniwalang bangkay ng 16-anyos na si Michael Angelo Remecio, na una nang nawala noong 25 pa ng Agosto.

Bukod dito, ayon kay San Jose Del Monte Bulacan Chief of Police, Supt. Fitz Macariola, nagsagawa na rin sila ng DNA test at kumuha na rin sila ng swab sample mula sa pamilya na nagke-claim sa bangkay, at inaasahang lalabas ang resulta sa loob ng 15 araw.

Kahit aniya, positibong kinilala ng ama ni Michael ang suot na damit ng kaniyang anak, hindi muna nila ito maaaring ibigay sa pamilya hanggat hindi pa lumapabas ang resulta ng DNA.


Nananatili ng bangkay sa Faith Funeral sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa imbestigasyon ng polisya, gabi ng Agosto 25 nagpaalam si Michael Angelo na papasada lamang ng tricycle sa kanilang lugar sa Caloocan.

Alas 4 ng madaling araw nang huling may nakakita kay Michael na buhay at mula noon, ay wala na raw balita ang kaniyang pamilya sa biktima.

Matatandaang kahapon, natagpuang nakasilid sa sako ang naaagnas na labi ng isang lalaki na iniwan sa isang basurahan sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Facebook Comments