Inaasahang lalakas ang mass immunization program ng pamahalaan kapag tumaas ang delivery rate ng COVID-19 vaccines na magsisimula ngayong buwan.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na ang Chinese pharmaceutical firm na Sinovac Biotech ang nananatiling malaking supplier ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Magpapadala pa sila ng 1.5 million doses ng CoronaVac vaccines sa May 7 at karagdagang 500,000 doses bago magtapos ang buwan.
Dahil dito, ang average immunization kada araw ay inaasahang tataas sa 70,000 o 90,000 mula sa kasalukuyang 30,000.
Bukod sa Sinovac, nasa isa hanggang dalawang milyong doses ng Sputnik V mula sa Gamaleya Research Institute ng Russia ang darating ngayong buwan.
Sa Hunyo, nasa 10.2 million doses mula sa iba’t ibang sources ang darating sa bansa, na kinabibilangan ng Sinovac (4.5 million doses), Gamaleya (2 million), AstraZeneca (1.3 million), at Moderna (194,000).
Ang COVAX Facility ay nag-commit din ng 2.3 million Pfizer vaccines.
Sa ngayon, aabot na sa 1,658,539 ang nabakunahan laban sa COVID-19 habang nakatanggap na ang bansa ng 4,040,600 doses kung saan 3.7 million nito ay naipamahagi na sa iba’t ibang ospital sa bansa.