Avian influenza sa mga pato at pugo sa Bulacan, Pampanga, mabilis na napigilan ayon sa DA

Kontrolado na umano ang bird flu na na natuklasan sa duck farm sa Bulacan at quail farms sa Pampanga.

Unang natuklasan sa isinagawang routine surveillance ang pagkakaroon ng bird flu noong January 6, 2022, sa isang duck farm sa Barangay Barangka, Baliuag, Bulacan.

Habang noong January 21, naman nai-report ang pagkakasakit ng mga alagang pugo sa isang commercial farm sa Brgy. Dalayap, Candaba, Pampanga at noong January 27, sa isang quail farm sa Brgy. Mangga, Candaba, Pampanga.


Ang ikatlong kaso ay na-monitor noong February 11, sa isang quail farms sa Brgy. San Antonio, Mexico, Pampanga.

Pero, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, agad na naipatupad ang mga protocols sa ilalim ng Avian Influenza Preparedness Plan.

Kabilang dito ang pagsasagawa ng disease investigation, surveillance sa one-kilometer quarantine zone ng infected farms.

Paalala ng DA sa mga poultry raisers at farm workers, mahigpit na ipatupad ang biosecurity measures at makipag kooperasyon sa mga temporary movement restrictions.

Facebook Comments