
Nababahala na ang Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) sa dumaraming bilang ng mga dayuhang mula Africa na nahuhulihan ng iligal na droga pagdating sa Pilipinas.
Dahil dito, ikinokonsidera na ng AVSEGROUP na ilagay sa ‘red flag’ ang ilang ruta mula sa Africa.
Ayon kay PNP-Aviation Security Group Spokesperson PLTCOL Harold Tosino, karamihan sa mga naarestong dayuhan ay mula sa South Africa, partikular sa Johannesburg.
Aniya pumasok sa bansa ang naturang mga dayuhan sa pamamagitan ng connecting flights mula sa Hong Kong.
Posible aniyang sindikato ang nasa likod ng operasyon dahil magkakatulad ang modus operandi ng mga naunang naaresto, kabilang ang isang German national isang South African, at isang Pinay.
Karaniwang binibigyan ng backpack o maleta ang mga courier kung saan itinatago ang iligal na droga at ito ay natutuklasan sa X-ray screening.
Itinuturing na itong transnational crime kaya’t kinakailangan ang mahigpit na inter-agency cooperation.
Sa pinakahuling datos ng PNP-Aviation Security Group, umabot sa P138 milyon ang halaga ng iligal na droga ang nasabat sa serye ng operasyon mula lamang noong February 11 hanggang February 15 sa NAIA at iba pang cargo facilities sa Pilipinas.










