Nagpapatuloy pa rin ang gulo sa Bangsamoro Region sa kabila ng umiiral na prosesong pangkapayapaan sa Mindanao.
Ayon kay Prof. Francisco Pancho Lara Jr., Senior Peace and Conflict Adviser to International Alert Philippines, may tatlong problema sa Mindanao ang hindi naresolba sa nakalipas na tatlong taon.
Una rito ay ang away sa lupa na ayon kay Lara ay napabayaan matapos na bigong makapagpalabas ng batas sa lupa.
Wala rin aniyang nagawa ang peace agreement para mapababa ang pagkalat ng mga baril.
Hanggang sa ngayon, hawak pa rin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang mga armas at nagkalat pa rin ang mga private armed groups sa Mindanao.
Nabatid na umaabot ng higit 50,000 ang illicit weapons sa buong Mindanao kung saan 20,000 dito ay nasa BARMM.
Pero sa target na 7,500 para sa decommissioning process, wala pang 5,000 ang naisusuko sa militar.
“Maraming insidente ng karahasan, Nakita mo yung dahilan, related pa sa eleksyon, hanggang ngayon ang mga tao nagpapatayan pa sa isang halalan na naganap mahigit isang buwan na ang nakaraan. Nagkakaroon pa ng revenge killings hanggang ngayon, patuloy na lumalaki tapos sumasabay ‘yan dun sa labanan sa usapin sa lupa,” ani Prof. Lara sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
Bukod dito, nananatili ring problema sa rehiyon ang extremismo.
“Yan walang solusyon d’yan, hindi naman yan naipasok sa peace process. Alam natin na hindi naman kasali ang ISIS sa negosasyong ito at hindi nila kinikilala ito. Mananatili yang suliranin na yan sa Bangsamoro lalong-lalo na sa mga lugar sa Lanao del Sur, sa ilang mga bahagi ng Cotabato, North Cotabato at Maguindanao kasi nandyan pa rin ang BIFF at sa Sulu kung saan meron pang maliit na maliit na bilang ng ASG [Abu Sayyaf Group],” paliwanag ng propesor.
“Yan ang mga problemang kakaharapin natin sa susunod na tatlong taon,” dagdag niya.
War on drugs, a failure
Nagsisimula na namang lumawak ang transaksyon ng iligal na droga sa Mindanao.
Ayon kay Prof. Lara, kasabay ng pagbaba sa puwesto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsimula na namang kumalat ang iligal na droga partikular sa Bangsamoro Region.
Katunayan aniya, nito lamang nagdaang halalan ay kumalat ang drug money para sa mga politiko.
Giit ni Lara, patunay lamang ito na bigo ang war on drugs ng nagdaang administrasyon.