Nangingibaw ngayon ang motibong away sa pulitika kaya pinatay si Ako Bicol Representative Rodel Batocabe noong Sabado.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde batay sa kanilang patuloy na isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Aniya may mga lumalabas na pangalan ng ilang pulitiko sa Bicol pero patuloy silang naghahanap ng matibay na ebidensya para mapatunayan ito.
Ang malinaw aniya ngayon ay maganda ang itinatakbo ng imbestigasyon pero ayaw na muna nilang idetalye pa ang anumang development sa imbestigasyon.
Tinitiyak naman ni Albayalde na sa lalong madaling panahon ay mareresolba ang kaso ng pagpatay kay Congressman Batocabe at police escort nito na si SPO1 Orlando Diaz.
Bukod sa away sa pulitika una na ring motibong iniimbestigahan ng PNP ay posibleng kagagawan ng New Peoples Army (NPA) o Private Armed Groups o PAGS ang motibo sa pagpatay kay Congressman Batocabe.