Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Absent Without Official Leave (AWOL) na sundalo sa kanilang ikinasang operasyon sa St. Anthony St., Brgy. 186, Caloocan City.
Sa ulat ni PNP-AKG Director Brigadier General Jonnel Estomo, ang naarestong sundalo ay si Corporal Diosito Sagrada.
Sinasabing si Sagrada ay hitman ng Mel Pangilinan kidnap -for- ransom group na nag-ooperate sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.
Nahuli ito sa kanyang tinutuluyan sa Caloocan City sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng San Pablo City, Laguna Regional Trial Court sa kasong kidnapping with homicide.
Si Sagrada ay huling na-assign noong siya pa ay aktibong sundalo sa 8th Infantry Division Training Unit, sa Camp Santol, San Miguel, Leyte bago na-recruit at naging miyembro ng sindikato noon pang 1995.
Ayon naman kay Police Major Ronaldo Lumactod Jr., tagapagsalita ng PNP-AKG, huling biktima ng grupo ni Sagrada ang negosyanteng si Eric Constantino na kanilang dinukot noong June 5, 2013 sa Paco, Manila at pinatay sa Nagcarlan, Laguna.
Nagsilbi rin si Sagrada na bodyguard ng ilang mga kilalang pulitiko at dayuhan na nakatira sa Ayala, Alabang at mga negosyante.