
Isinusulong ni Senator Loren Legarda ang awtomatiko at agarang paglalaan ng pondo sa PhilHealth o ang Senate Bill 1662.
Sinabi ni Legarda na mahalagang matupad ang pangako ng Universal Health Care Law at hindi dapat malagay sa alanganin ang PhilHealth dahil sa pagkaantala o paglilihis ng pondo.
Sa ilalim ng PhilHealth Automatic Funding Act, inaamyendahan ang Universal Health Care Act kung saan ang premium subsidy ay otomatiko nang popondohan sa ilalim ng Section 37 ng batas.
Ang halagang maire-remit mula sa makokolektang sin taxes, bahagi ng kita ng PAGCOR at PCSO ay otomatikong ilalaan at ilalabas para sa PhilHealth ng Department of Budget and Management (DBM).
Pinagsusumite naman sa Kongreso ng quarterly reports tungkol sa mga remittances ang BIR, PAGCOR at PCSO upang matiyak ang transparency sa pondo.










