Manila, Philippines – Iginiit ng Grab Philippines na awtorisado silang magtakda ng sarili nilang pamasahe.
Ayon kay Grab Legal Counsel Miguel Aguila – mismo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang nagsabing legal at valid ang inilabas na kautusan ng Dept. of Transportation (DOTr) kung saan pinapayagan ang mga transport network companies na magtakda ng pamasahe.
Ibig sabihin aniya, lahat ng sinisingil na pasahe ng Grab ay pinapahintulutan ng batas kabilang ang 2 pesos per minute travel charge na ipinasuspinde ni Cong. Jericho Nograles sa LTFRB.
Malaking kawalan sa mga driver ang 2 pesos dahil 80% nito ay napupunta sa kanila bilang income habang ang 20% ay napupunta sa kumpanya bilang incentives.
Umaasa ang Grab na ibalik sa kanila ng LTFRB ang dalawang piso para mahikayat ang mga driver na pumasada muli.
Ang Grab ay nakakatanggap ng 600,000 bookings kada araw pero nasa 35,000 sasakyan ang mayroon sila.