AYUDA | Emergency loan, ipagkakaloob ng SSS sa mga manggagawang apektado ng pagsasara ng Boracay

Aklan – Maaari nang mag-apply ng emergency loan sa Social Security System (SSS) ang higit sa 11,000 manggagawang nawalan ng hanapbuhay sa isla ng Boracay mula May 2 hanggang October 31, 2018.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, naglaan ang ahensya ng halos P111.61 milyon para sa emergency loan assistance program.

Aniya, ang mga mag-lo-loan ay maaaring makautang mula sa P1,000 hanggang P16,000 o katumbas ng kanilang isang buwang Monthly Salary Credit (MSC).


Maaari aniyang bayaran ang utang sa loob ng 32 buwan kasama na ang walong buwang moratorium period.

Nilinaw naman ni Dooc, na inalis na nila ang service fee na isang porsyento ng loan amount para makuha ng mga miyembro ng SSS ang buo nilang inutang.

Maaaring ipasa ng miyembro ang kaniyang loan application form sa SSS service office sa barangay hall sa Manoc-Manoc, Aklan o sa SSS booth sa Caticlan Jetty Port sa Malay, Aklan.

Facebook Comments