Manila, Philippines – Pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag direktang ibigay sa mga alkalde ang mga relief goods para sa mga biktima ng mga kalamidad.
Aniya, gagamitin lamang ito ng mga lokal na opisyal sa kanilang kapakinabangan.
Ayon kay Duterte – maling kaugalian ito sa mga pulitiko na ginagamit ang mga kalamidad at iba pang sakuna para pabanguhin ang kanilang mga pangalan lalo at nalalapit na ang halalan.
Iginiit ng Pangulo na ang pera ng national government ay dapat manatiling neutral at hindi maaring sabihin ng mga lokal na opisyal na galing ito sa kanilang bulsa.
Naglabas na ang Pangulong Duterte ng kautusan na huwag ibigay sa mga mayor, vice mayor, councilor, barangay captain ang relief goods at ihatid ang tulong direkta sa mga nangangailangan.