Sapat ang ayuda o cash assistance na ibinibigay ng gobyerno at hindi umano dapat umasa pa sa mas mataas na halaga ng tulong , ayon sa ilang Pangasinense.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ng ilang residente na hindi dapat sanayin ang mga Pilipino sa ayuda, kundi turuan silang magsikap upang mapabuti ang kanilang buhay.
Subalit, may ilan din na nagsabing kulang pa ang ayuda na ipinamamahagi ng gobyerno dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin, kaya nahihirapan pang pagkasyahin ang kanilang budget para sa pamilya.
Dagdag pa nila, hindi lahat ng Pilipino ay nakakakuha ng ayuda, kaya’t may mga nagsasabing hindi sapat ang tulong para sa lahat ng nangangailangan.
Matatandaan na naglaan ng P26 billion ang gobyerno para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program sa 2025 upang magpatuloy ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap.
Gayunpaman, binigyang diin ni Pangulong Marcos na may mga kondisyones sa pagpapatupad ng programang ito, at maglalagay ng mga bagong regulasyon upang maiwasan ang korapsyon at matiyak na ang mga kwalipikadong benepisyaryo lamang ang makikinabang mula sa pondo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨