Inihayag ng pamunuan ng Department OF Transportation o DOTr na handa na ang pagbibigay ng tulong para sa mga Public Utility Vehicles (PUVs) drivers.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, pinagtibay ang nasabing ayuda matapos pirmahan ang Joint Memorandum of Agreement para dito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Landbank of the Philippines (LBP) noong Biyernes, Abril 3.
Nakapaloob sa nasabing kasunduan na ang mga drayber ng Public Utility Jeepney (PUJ), UV Express (UVE), Public Utility Bus (PUB), Point-to-Point Bus (P2P), Taxi, Transport Network Vehicle Service (TNVS), School Transport, at Motorcycle (MC) Taxi na maaaring makatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Aniya Magbibigay ng listahan ng mga tsuper ang LTFRB upang ikumpara ito ng DSWD sa kanilang listahan ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa oras anya na maaprubahan ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo, magsisimula na ang paglipat ng pondo mula DSWD papunta sa LBP. Ang nasabing ayuda ay maaaring makuha sa pinakamalapit na LBP branch ng mga kwalipikadong tsuper.