Ayuda ng DSWD sa mga Taal evacuees, umabot na sa ₱1.7-M

Abot na sa ₱1.7 milyon ang halaga ng ayuda na naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista, nakapaghatid na ang ahensya ng 703 family food packs, 1,406 na ready to eat food at 703 hygiene kits sa Agoncillo, Batangas.

Nakapag-deliver naman na ng 565 family food packs sa Laurel, Batangas.


Maliban sa mga food at non-food items, nakapagbigay na rin ang DSWD ng financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program, na nagkakahalaga ng ₱14,000 para sa mga benepisyaryo sa Mataas na Kahoy sa Batangas.

Nakapagsagawa naman ang DSWD-CALABARZON ng psychosocial interventions sa displaced families na nasa mga evacuation center.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga Local Government Unit (LGU) para i-monitor ang kondisyon ng mahigit 2,800 na pamilya o katumbas ng 9,500 na katao sa 21 barangay sa Batangas.

Mula sa kabuuang bilang, mahigit 1,100 na pamilya o katumbas ng 4,000 na indibidwal ang sumisilong sa mga temporary shelter sa may 21 na evacuation centers habang ang iba naman ay nakikitira muna sa kanilang mga kamag-anak.

Sa ngayon ay mayroong prepositioned ang DSWD na mga food at non-food items na nagkakahalaga ng ₱1.19 billion para sa relief assistance.

Facebook Comments