Hinikayat nina presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson at vice president candidate Vicente “Tito” Sotto III ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Driver’s Association (TODA) na habulin sa gobyerno ang matagal ng hindi naibigay na ayuda para sa mga driver sa Candelaria, Quezon.
Ito ang iginiit nina Partido Reporma standard-bearer Senador Ping Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto sa kanilang dayalogo kasama ang may 200 mga miyembro ng TODA sa Candelaria, Quezon.
Paliwanag nina Lacson-Sotto Tandem, na ang mga tulong pinansyal at subsidiya mula sa gobyerno ay galing sa buwis na pinaghirapan ng bawat Pilipino kaya may karapatan ang anumang sektor na pinaglaanan nito na kunin ang kanilang mga ayuda mula pamahalaan.
Ipinaalala ng tambalang Lacson-Sotto kung papaano isinulong ang Bayanihan I at Bayanihan II na may nakalaang pondo para sa ayuda ng mga apektadong sektor noong kasagsagan ng pandemya na hindi naimplementa nang maayos base sa hinaing ng mga hindi pa rin nakatanggap.
Dismayado kasi ang mga tsuper ng tricycle sa Candelaria, Quezon dahil maging sila ay hindi pa nakukuha ang kanilang bahagi sa inilaang ₱5.58-bilyong pondo para sa mga driver ng pampublikong sasakyan sa ilalim ng Bayanihan II bago tuluyang mapawalang-bisa ang batas.
Dahil dito, pinayuhan ni Lacson ang mga taga-TODA na maaari nilang singilin sa bagay na ito ang mga opisyal ng kanilang lokal na pamahalaan at kinatawan ng mga ahensyang dapat ay nangasiwa sa pamamahagi ng nasabing ayuda.