Isinusulong ng Department of Transportation o DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng ayuda sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng pandemya, sa halip na direktang pagtataas ng pamasahe.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, itinutulak ng dalawang ahensiya ang mga programa na magbibigay tulong, suporta, at ayuda sa mga driver at operator na hindi nangangailangang magpatupad ng taas pamasahe.
Paliwanag ng kalihim, hindi pa umano aniya napapanahon na magpatupad ng fare increase dahil lubhang maaapektuhan ang mga commuter na hindi pa nakakarekober dulot ng pandemya.
Gayunman, masusing pinag-aaralan ng LTFRB ang petition for fare hike na inihain ng transport group noong nakaraang linggo.
Samantala, makikipag-ugnayan ang DOTr at LTFRB sa Department of Energy (DOE) upang magkaroon ng uniform discount ang mga pampublikong sasakyan sa lahat ng mga gas station sa buong bansa.
Muli ring hinimok ng kalihim ang mga drayber at operator na lumahok sa Service Contracting Program upang magkaroon ng insentibo sa kanilang biyahe.