Sigurado na ang ipapamahaging ayuda para sa sektor ng transportasyon na naapektuhan ng taas-presyo ng langis.
Kasunod ito ng isinagawang pulong kahapon ng House Committee on Transportation kasama ang transport sector at agencies, upang tugunan ang epekto ng magkakasunod na oil price hike.
Ayon kay Samar First District Representative Edgar Mary Sarmiento, chair ng komite, napagkasunduan na sa executive session ang tulong na ibibigay ng pamahalaan sa public utility drivers at operators.
Bagama’t hindi na tinukoy ng kongresista, sinabi nito na nakatakda silang maglabas ng isang joint resolution kung saan nakalatag ang mga intervention o ayuda para sa public utility transport.
Posibleng gamitin ang probisyon ng TRAIN Law, upang mabigyan ng cash vouchers ang mga PUV driver at operators.
Mayroon ding pahayag ang Department of Energy (DOE) patungkol sa posibleng pagbaba ng presyo ng langis sa susunod na linggo.