AYUDA | Pinay na ginulpi ng employer, bibigyang assistance ng DFA

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ibibigay ang lahat ng tulong sa isang Filipina domestic helper sa Kuwait na umano ay nanaksak ng kanyang employer.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola nakikipagtulungan na ang ating embahada sa Kuwait sa mga otoridad doon upang matiyak na ang karapatan ng ating kababayan na si Ulambai Singgayan ay maibibigay.

Si Singgayan ay isang household service worker sa Kuwait na tubong Maguindanao.


Sinabi ni Undersecretary Arriola na noong nalaman nila ang insidente agad silang nagpadala ng team sa ospital kung saan naka-confine ang ating kababayan dahil sa tinamo nitong pinsala sa katawan.

Ginugulpi umano si Singgayan ng kanyang employer, tinatakot na mare-revoke ang kanyang visa at ililipat sa ibang bahay kung saan siya papatayin kung kaya at nagawa umano nitong saksakin ang kanyang employer.

Samantala, kinumpirma naman ni Chargé d’Affaires Charleson Hermosura na si Singgayan ay mayroong mga pasa sa kanyang mukha, dibdib at ibat-ibang parte ng katawan at base sa resulta ng xray nito nagtamo ng internal bleeding sa kanyang abdomen.

Si Singgayan ay nahaharap sa kasong felony at kasalukuyang nasa ilalim ng hospital arrest.

Facebook Comments