Manila, Philippines – Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo na gagamitin para matulungan ang mga manggagawa na apektado ng anim na buwang pagsasara ng Boracay Island.
Ayon sa DBM, sasakupin ng P448 million na pondo ang pagbibigay ng financial assistance sa 17,735 registered formal sector workers sa Malay, Aklan.
Gagamitin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pondo para sa emergency employment, livelihood, at pagbibigay ng training programs sa mga apektadong manggagawa.
Unang inilunsad ng DOLE ang Boracay Emergency Employment Program (BEEP) nito kung saan ang mga worker-beneficiaries ay makatatanggap ng 50 percent ng prevailing minimum wage rate sa rehiyon sa kasagsagan ng closure.
Nabatid na ang P448 million na pondo ay hinugot sa 2018 contingent fund sa ilalim ng national budget.
Base sa General Appropriations Act (GAA) of 2018 mayroong P13 billion na inilaan bilang contingent fund na maaring magamit sa urgent projects o activities ng national government agencies at government-owned or controlled corporations basta at aprubado ng Pangulo.