Ipinara-rationalize o ipinasasaayos ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang ayuda programs ng pamahalaan.
Giit ng senador, dapat ang in-charge sa buong gobyerno ang mag-rationalize ng mga ayuda programs dahil ito ay pinopondohan sa ilalim ng budget law.
Punto pa ni Pimentel, mas dapat na tututukan muna sa pagtulong ng gobyerno ang mga walang hanapbuhay upang magkatrabaho sila sa halip na ang mga kulang sa kita pero may trabaho naman gaya na lamang ng AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Aniya pa, kapag mamamahagi ng ayuda ay dapat umaalis na ang pulitiko at maging klaro na ang ipinamimigay na cash assistance o ayuda ay hindi galing sa pribado.
Dagdag pa ng mambabatas, ang mga tauhan ng DSWD at DOLE ang siyang dapat na nagpapatupad ng programa lalo’t sa mga ahensyang ito naman talaga nanggaling ang mga programa na pantulong sa mga mahihirap na kababayan.