Iginiit ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na pabilisin ang paglabas at pagpapamahagi ng ayudang inilaan ng extended Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 sa mga kwalipikadong mag-aaral ng basic education.
Tinukoy ni Gatchalian na base sa website ng Department of Budget and Management ay aprubado na noong Disyembre 18, 2020 ang Special Allotment Release Order para sa P300 milyong budget para sa mga ayudang ito.
Kinakalampag ni Gatchalian ang DepEd makaraang mauna ng mamahagi ang Commission on Higher Education ng 5,000 pesos na ayuda sa mahigit 54,000 mga mag-aaral sa mga pribadong kolehiyo na may hindi pa nababayarang tuition at miscellaneous fees.
Ayon kay Gatchalian, naglaan ang Bayanihan 2 ng ayuda sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya, high school, at kolehiyo na nangangailangan ng tulong pinansyal dahil sa pinsalang dinulot ng pandemya sa mga trabaho at ekonomiya.
Binanggit ni Gatchalian na ang mga kwalipikadong mag-aaral na ito ay iyong mga hindi bahagi ng iba pang programa na nagbibigay din ng ayuda.