Ayuda sa mga kababaihan sa Montalban, Rizal, pangungunahan ng isang senadora

Sa pagsisimula ng selebrasyon ng women’s month ngayong Marso, pangungunahan ni Senadora Imee Marcos ang isang buwang pamamahagi ng ayuda sa mga single mom, senior citizens at buntis na kababaehan sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.

Uumpisahan ngayong araw ni Marcos ang distribusyon ng tulong pinansyal mula sa programa ng DSWD – Assistance to Individuals in Crisis Situations – na aabot sa 2,000 kababaihan sa Ynares Gym Antipolo City at Montalban Sports Center sa Rodriguez, Rizal.

Tatanggap ang mga benepisyaryo ng tig-₱3,000 kada isa.


Bukod dito, iikot din si Marcos sa lalawigan ng Ilocos Sur, Pangasinan at La Union ngayong weekend para din sa payout ng ayuda at dayalogo sa mga kabataang magsasaka na miyembro ng Young Farmers Club of the Philippines.

Sinabi ni Marcos na pantawid lang ang ayuda sa mga kababaihan at kanilang pamilya na hinagupit ng pandemya at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin.

Nangako naman si Senadora Imee Marcos na hindi titigil ang pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating nahihirapan at biktima ng mga kalamidad at pandemya.

Nanawagan naman si Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na pag-ibayuhin pa ang pagpapalago sa agrikultura at paglaban sa talamak na smuggling activities para maibangon sa kahirapan ang bansa.

Facebook Comments