Sisimulang ipamahagi bukas, April 6 o sa Miyerkules, April 7 ang ayuda ng pamahalaan para sa mga residente at manggagawang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at mga katabing probinsya.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, cash assistance ang ipapamahagi dahil kung in-kind ay dadaan pa ito sa bidding delivery at repacking na mauuwi lamang sa delay ng distribusyon ng ayuda.
Pero bahala na aniya ang Local Government Units (LGUs) kung cash o in-kind assistance ang ipamamahagi nila sa kanilang mga residente.
Sinabi ni MMDA Chairperson Benhur Abalos na sasabayan ito ng malawakang testing, cotact tracing, at isolation efforts.
Batay sa guideline ng Department of Budget and Management (DBM), ang mga low-income individuals ay makakatanggap ng ₱1,000 cash assistance o ₱4,000 sa bawat pamilya.
Nasa 23 billion pesos ang pondo para ayudahan ang 22.9 million beneficiaries sa NCR Plus.