Ilalabas na sa Lunes ang nasa P22.9 billion na pondo para sa ayuda ng mga residente sa NCR Plus na nakasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Bernardo Florece, naipasa na sa Bureau of Treasury ang pondo at bukas inaasahang direkta itong maipamamahagi sa mga benepisyaryo.
Mayroong 15 araw ang mga local chief executives na maipamahagi ang ayuda in cash o 30 araw kung in-kind.
Isang libo hanggang apat na libong piso ang maaaring matanggap na ayuda ng mga low-income families sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Samantala, sa kabila ng pagpapalawig ng ECQ sa NCR Plus bubble, nilinaw ni Florece na “one-time” lamang ang ayuda.
Nanggaling aniya ang pondo para rito sa perang hindi nagamit sa ilalim ng Bayanihan 2.
Bukod dito, wala nang pagkukunan ng pondo ang pamahalaan para sa dagdag na ayuda maliban na lamang kung mayroong supplemental fund.