Cauayan City, Isabela- Inihayag ni Governor Rodito Albano III na posibleng madagdagan ngayong taon ang matatanggap na ayuda ng mga magsasaka ng tabako at mga iskolar ng Bojie-Rodito Opportunities for Education (BRO-Ed) sa Lalawigan ng Isabela.
Una rito, nabigyan na kahapon ng cash allowances ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang mga BRO-Ed scholars sa lungsod ng Cauayan sa pangunguna ni Gov. Albano at Vice-Gov Bojie Dy III.
Ayon kay Gov. Albano, kung ang isang mag-aaral ay nakapagtapos na sa kanilang pag-aaral at nais muli na makapag aral ng ibang kurso at nakapagtapos ay mabibigyan ito ng P10,000 piso.
Maglalaan din umano ng pondo si Cong Inno Dy na dagdag ayuda para sa mga iskolar.
Kaugnay nito, sabay din na pinagkalooban ng tig-limang libong piso (P5,000) na financial assistance ang may kabuuang 63 na tobacco farmers sa Lungsod ng Cauayan.
Dagdag pa ng Gobernador, nakaplano na rin ang kanilang pagbili ng drone sa bansang Japan na siyang tutulong at gagamitin sa otomatikong paglalagay ng pestesidyo na pupuksa sa mga insekto na sumisira sa mga pananim na tabako.