Manila, Philippines – Naniniwala si Albay Representative Joey Salceda na huhupa pa ang mataas na inflation rate sa bansa bago matapos ang 2018.
Ayon sa dating economic adviser ng nakaraang Arroyo administration, kayang pahupain sa 5.9% ang inflation rate bago matapos ang taon kapag nagkaroon na ng epekto ang anti-inflationary measures ng gobyerno.
Ngayong buwan ay inaasahan din ni Salceda na bahagyang bababa sa 6.2% ang inflation rate mula sa naitalang 6.7% noong Oktubre.
Paliwanag nito, nananatili pa ring matatag ang presyo ng bigas sa kabila ng pagtatapos ng harvest season bunsod na rin ng paninindigan ng pamahalaan sa rice importation.
Dahil dito kailangang paigtingin pa ang implementasyon ng Rice Tariffication.
Pinareresolba din ng kongresista ang problema sa pagbagsak ng produksyon ng isda nitong Oktubre.
Paliwanag ni Salceda, para maabot ang target ay kailangan nang bilisan ang importation, delivery at distribusyon ng 800,000 metric tons ng bigas, panatilihin ng DTI ang Suggested Retail Price (SRP) system, ipatupad ang tariff reduction sa food imports para bumuhos ang suplay at bumaba ang presyo at dapat pag-isipan nang mabuti ng mga regulatory agencies ang pagdedesisyon kaugnay sa singil sa kuryente at tubig.
Pinayuhan pa ng mambabatas na mamuhunan ang administrasyon sa agrikultura sa pamamagitan ng dagdag na P20 hanggang P25 billion sa pondo ng Department of Agriculture (DA) at maitaas sa 2.3% ang share nito.