Babae, arestado matapos makuhanan sa video na sinipa at sinakal ang alagang aso

Isang babae mula Florida ang inaresto at kinulong sa kasong ‘Felony on animal cruelty’ matapos makuhaan ng isang lalaki ang pananakit nito sa alagang aso.

Nito lamang Biyernes, ipinost ni Vincent Minutello ang video kung saan mapapanood ang pang-aabuso ng babae sa aso sa Tarpon Spring City.

Si Michelle Sieber, 26, ay makikitang naglalakad patungo sa isang parking lot kasama ang alaga hanggang sa bigla na lamang niya itong tadyakan ng paulit-ulit.


Mapapanood rin na matapos tadyakan ang aso ay hinila niya ang tali nito hanggang sa masakal ito at mahirapang huminga.

Makikita pa na patuloy sa paglalakad ang dalawa nang sumuka ng ilang beses ang aso dahil sa higpit ng pagkakatali nito sa leeg.

Dahil dito ay nagpasyang lapitan ni Minutello si Sieber at pagsabihan.

Sinabi nito na hindi umano dapat nito ginagawa ang pananakit sa alaga.

Natawa lamang si Sieber at tinanong pa si Minutello na kung gusto niya makuha ang aso ay ibibigay niya ito.

Umani ng maraming opinyon ang video at agad namang inaresto si Sieber matapos kontakin si Minutello ng Tarpon Springs police.

Ayon kay Sgt. Robert Faugno, iginiit raw ni Sieber na tini-train lang raw nya ang alaga.

Aniya, “The suspect is apparently transient and resides in her camper type vehicle with two dogs.”

Samantala, sinasabing ang suspek ay anak ni Rea Sieber, commissioner ng naturang lugar na pinangyarihan ng insidente.

Sa email na ipinadala nito, sinabi niyang dumaan raw sa trauma ang anak matapos humarap sa ilang mental issues sa nakalipas na 7-8 taon.

Ngunit paliwanag nito, hindi raw purke mayroon siyang pusisyon sa lugar ay isasawalang-bahala na ang kaso.

Aniya, “There are many lies out there saying I’m using my influence to get her out. I spoke to her and she will be assigned an attorney and then wait to find out her fate.”

Dagdag pa niya, nasa kulungan pa ang anak at hindi raw niya magagawang pyansahan ito ng 5000 dolyar.

Samantala, malaki naman ang pasasalamat ni Minutello at nasa pangangalaga na ng animal control officials ang naturang aso kasama ang isa pang alagang aso ni Sieber.

Facebook Comments