Isang 50-anyos na babae ang naaresto matapos umanong magnakaw ng gintong kuwintas sa loob ng isang simbahan sa bayan ng Calasiao noong Linggo ng umaga, Disyembre 14, 2025.
Ayon sa ulat ng Calasiao Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-7:40 ng umaga habang dumadalo ng misa ang biktimang isang 72-anyos na lalaki.
Batay sa imbestigasyon, lumapit ang biktima sa harap ng altar para sa pagwiwisik ng banal na tubig nang umano’y samantalahin ng suspek ang pagkakataon at tanggalin ang kuwintas mula sa leeg nito.
Agad namang napansin ng biktima ang pagkawala ng kanyang alahas at nakita itong hawak ng suspek.
Hinawakan niya ang babae at humingi ng tulong sa mga kasamang nagsisimba.
Naiulat ang insidente sa pulisya na nagresulta sa agarang pag-aresto sa suspek.
Dinala ito, kasama ang nabawing alahas, sa Calasiao MPS para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang na kaso.









