BABAE, ARESTADO SA SHOPLIFTING SA ISANG DEPARTMENT STORE SA CALASIAO

Arestado ang isang 24 anyos na babae matapos mahuling nagnanakaw ng mga damit sa loob ng isang Department Store sa Calasiao, Pangasinan.

 

Ayon sa ulat ng pulisya, nahuli umano ito ng duty security guard ng naturang department store habang tinatangkang ilabas ang mga hindi nabayarang items.

 

Batay sa imbestigasyon, minanmanan ng guwardiya ang kilos ng suspek matapos mapansin ang kahina-hinalang paggalaw nito sa loob ng tindahan.

 

Ilang sandali pa, nakita ng guwardiya na ipinapasok ng suspek sa kanyang itim na shoulder bag ang apat na pirasong T-shirt na may kabuuang halagang 2,796 pesos at tatlong pirasong pantalon na nagkakahalaga ng 4,697 pesos.

Pagkalabas ng suspek sa department store, agad siyang hinuli at pinahinto ng guwardiya at nang inspeksiyunin ang dala nitong shoulder bag, narekober ang mga ninakaw na damit.

 

Agad namang inaresto ang suspek at dinala sa Calasiao Municipal Police Station kasama ang mga ebidensiya para sa wastong disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso ng Theft sa ilalim ng Revised Penal Code.

Facebook Comments