Babae, huli sa tangkang pagdukot sa isang bata sa Maynila

Manila, Philippines – Arestado ang isang babae matapos umano nitong tangkaing dukutin ang isang 3-taong gulang na bata sa Barangay 769, Sta. Ana, Maynila.

Kinilala ang suspek na si Charito Fernandez, na nahaharap sa kasong attempted kidnapping.

Ayon sa pulisya, sapilitang kinuha ni Fernando ang bata sa labas ng isang tindahan sa kanto ng Dagonoy at Esmeralda Street.


Pero nakita ito ng ama ng biktima kaya ito tumakbo para habulin ang suspek hanggang sa mabawi ang bata mula sa babae.

Kumaripas pa rin ng takbo ang suspek at pumasok pa sa ibang bahay para magtago pero doon na siya naaresto.

Bago rito, kumalat na rin ang larawan ng suspek sa social media matapos ding ireklamo ng pangunguha ng mga bata.

Inaalam pa kung miyembro ng sindikato ang suspek dahil umamin umano ito na dinadala niya sa isang van ang mga dinudukot na bata at binabayaran siya ng P20,000.

Facebook Comments