Babae, kinagat ng isda saka hinila pailalim ng tubig habang naliligo sa lawa

(Photo courtesy: Terry Driver)

CANADA – Hindi inakala ng isang babae na maging ang pagligo sa lawa ay hindi na rin ligtas matapos ang sunod-sunod na insidente ng pag-atake ng pating sa mga dagat.

Ito ay matapos kagatin ng isang isda ang babaeng si Kim Driver habang nasa kalagitnaan ng lawa sa Winnipeg River sa Minaki, Ontario.

Kwento ng asawa ni Kim na si Terry, bigla na lamang nagsabi ang kanyang misis na mayroon umanong humawak sa kanyang binti habang nasa kailaliman siya ng tubig.


Maya-maya pa ay bigla na lang daw itong sumigaw hanggang sa lumubog sa ilalim ng lawa.

Labis daw nilang ikinagulat ang nangyari nang biglang mawala sa kanilang paningin ang kanyang misis.

Nagtamo ng pinsala sa kanyang kanang binti si Kim na agad namang isinugod sa ospital.

Kwento nito habang nagpapagaling, nang tumingin daw siya sa ilalim ay nakita niya ang ulo ng isda na gaya ng sa buwaya.

Bigla na lang daw siya nitong hinila saka winagayway sa ilalim ng tubig.

Naiulat na ang isdang umatake kay Kim ay isang uri ng muskellunge fish o mas kilala sa tawag na “muskie” na ang ulo ay ka-itsura ng ng buwaya na umaabot sa hanggang 6-ft haba at bigat na higit sa 50 pounds.

Samantala, plano naman ng mag-asawa na bumalik sa lawa para umano “maghiganti”.

Facebook Comments