Naaresto na ang isang babae na sinasabing nag-iwan ng sanggol na binusalan pa ng tissue paper ang bibig nito upang hindi marinig sa loob ng banyo ng isang gasolinahan sa Kalayaan Avenue sa Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Redrico Maranan, ang mga suspek na sina Angeleen Quilang, 20, second-year student at ina ng sanggol, kasama ang mga magulang niya na sina Cecilia Quilang, 64, at Arnulfo Quilang, 66, retired government empleyado na lolo’t lola ng sanggol, pawang residente ng Vista Verde, Country Homes, Brgy. Muntindilaw, Antipolo City.
Natunton ng pulisya ang tirahan ng babae sa Vista Verde Country Homes sa Brgy. Muntindilaw, Antipolo City nitong Biyernes.
Batay sa ulat ng pulisya, nagsagawa sila ng backtracking sa kuha ng CCTV sa pagkakakilanlan ng babae at mga kasama nito sa sasakyan na isang SUV.
Naplakahan sa CCTV footage ang ginamit nilang sasakyan at natuklasang pagmamay-ari ito ng ama ng babaeng nag-iwan sa sanggol.
Bago inaresto, makikita sa CCTV footage ang buntis na babae na naki-CR sa gasolinahan, ngunit doon na pala nanganak at iniwan ang sanggol.
Nadiskubre ang sanggol nang may sumunod na gumamit ng banyo.
Hindi agad natuklasang may sanggol sa CR dahil pinasakan pa ng tissue paper ang bibig nito.
Kakasuhan ang mga suspek ng Frustrated Infanticide at paglabag sa Art. 276 ng Revised Penal Code, Abandoning of Minor in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.