Babae, Nabiktima ng "Love You Honey" Scam; Suspek, Arestado sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang babae na umano’y scammer matapos madakip sa ginawang operasyon ng mga otoridad sa Tuguegarao City, Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ni PEMS Shirley Lopez, Chief Clerk ng Cybercrime Unit ng PRO2, tumawag umano ang airport police na nakabase sa NAIA upang ipagbigay alam ang gagawing pag-withdraw ng pera ng nagngangalang Marilyn Binarao, 26-anyos sa remittance center sa naturang lungsod.

Agad namang nagtungo ang mga otoridad sa sinasabing lugar para beripikahin ang nasabing impormasyon at dakong alas-kwatro ng hapon kanina ng makumpirma na ilalabas na ng suspek ang pera mula sa remittance center kung kaya’t ikinasa ang entrapment operation laban sa kanya.


Sa naging salaysay naman ni alyas ‘Lyn’, biktima ng panggagantso, April 27 ng kasalukuyang taon ng makatanggap ng tawag mula sa kanyang ina na nasa ibang bansa para ipaalam ang ‘package’ na ipinadala mula sa kanyang pangalan.

Paglalahad pa nito na May 6, 2021 ng dumating naman ang balikbayan box sa Manila habang ilang araw ang nakalipas ng sabihan ito ng fiancé ng kanyang ina na magpapadala sila ng P49,000 pero inisyal na P33,125.00 pa lamang ang naipadala ng kanyang ina sa pamamagitan ng bank account.

Kwento pa ni Lyn, isang nagngangalang Christine Estolas ang sana’y tatanggap talaga ng perang pinadala sa remittance center nito subalit ayon sa imbestigasyon ng pulisya ay inutusan na lamang si Marilyn na siya ang kumuha ng pera dahil naka-quarantine si Estolas.

Ayon pa kay PEMS Lopez, inutusan umano si Binarao ng kanyang kapatid na nasa Malaysia na nagngangalang Mary Jane upang kunin ang perang ipinadala sa kanya dahil nga hindi makalabas si Estolas na dating kumukuha ng mga padala.

Si Christine Estolas at Maryjane ay kapatid ng naarestong si Marilyn Binarao na kumuha ng pera sa remittance center sa nasabing lungsod.

Samantala, tinawag naman ni PLT. Jesus Ducusin, OIC- Investigation Section ng NAIA, tinawag na “Honey Love Scam” ang nangyari sa biktima dahil ang modus ay papaniwalain ng isang magpapanggap na kasintahang foreigner na magpapadala ito ng bagahe sa Pilipinas na naglalaman umano ng pera at kalauna’y sasabihing naharang ito ng Bureau of Customs (BOC) at doon na magsisimulang manghuthot na ng pera sa pamamagitan ng pagsasabing kailangang magbayad ng Anti-Money Laundering Certificate at hihingan ang kanilang mabibiktima ng minsan ay nasa P50,000 depende sa profiling ng suspek sa kanilang bibiktimahin.

Ayon pa kay PLT. Ducusin, kalimitan na ipinapadala ang pera sa bangko o di kaya ay sa remittance center.

Aabot sa humigit kumulang P200,000 ang namodus ng suspek mula sa biktima.

Mahaharap naman sa kasong Estafa at Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang suspek na nakatakdang ipasakamay sa airport police kung saan i-inquest sa Pasay Police ang suspek.

Paalala ng mga otoridad na iwasan ang magpadala ng pera sa mga taong hindi naman kakilala para maiwasan ang ganitong uri ng scam.

Facebook Comments