Babae, nagbigay ng ‘kahon ng sex toys’ sa kapitbahay na may lamang pugot na ulo ng kasintahan

Dumanas ng panic attack ang isang babae sa Spain matapos madiskubre ang pugot ng ulo sa sinabing kahon ng sex toys na ibinilin ng kapitbahay.

Tila pinakuluan di-umano ang nabubulok na ulo at ibinalot sa foil paper para maiwasan ang pagsingaw ng amoy nito, ayon sa Antenna Public Mirror 3.

Inaresto ng pulisya ang orihinal na may-ari ng kahon na si Maria del Carmen Merino, 61, ng Castro Urdiales, Cantabria.


Nakumpirma sa DNA test na ang pugot na ulo ay bahagi ni Jesus Maria Baranda, 67, pitong taong kasintahan ni Merino na ilang buwan nang nawawala.

Ayon sa mga ulat, noong Abril pa ibinigay ni Merino ang kahon na nito lamang binuksan ng hindi na pinangalanang kapitbahay dahil sa masangsang na amoy na nagmumula rito.

Sinabi raw ng suspek na sex toys na iniwan ng kanyang kasintahang si Baranda ang mga laman ng kahon.

Matapos arestuhin, sinabi ni Merino sa mga pulis na mayroong nag-iwan ng kahon sa tapat ng kanyang bahay at napagdesisyunan niyang itago dahil iyon na lamang daw ang mayroon siya na pagmamay-ari ng nobyo.

Noong Pebrero pa umano nawawala ang biktima pero noong Marso lamang ipinagbigay-alam ng pamilya nito sa pulisya.

Hinihinalang ipinasa ni Merino ang kahon na may pugot na ulo sa kanyang kapitbahay noong Abril kung kailan sinabi ng mga imbestigador na pupuntahan ang kanyang bahay.

Nang tanungin tungkol kay Baranda, sinabi ng suspek na bigla na lang umanong umalis ang kasintahan at nag-iwan ng pera, ngunit lumabas sa imebstigasyon na hindi nagalaw ang banko ng biktima.

Nakausap niya pa raw ang nobyo sa WhatsApp, ngunit tumangging ipakita sa awtoridad ang kanyang cellphone.

Nahaharap sa kasong pagpatay si Merino, habang patuloy naman ang paghahanap sa mga naiwang gamit ng biktima.

Samantala, matapos ang insidente, ayaw na umano ng kapitbahay na bumalik sa kanilang bahay.

Facebook Comments