Babae, nagising sa away ng 2 buwaya sa harap ng kanyang bahay sa US

Facebook/Susan Geshel

Napabalikwas sa kalabog mula sa pinto ang isang maybahay sa Florida, US, na mas nagulat nang madiskubre ang sanhi ng ingay.

Mag-aalas-syete nang sorpresahin si Susan Geshel ng dalawang buwayang may habang 7-talampakan na nag-aaway sa tapat ng kanilang bahay noong nakaraang Martes.

Kuwento ng maybahay sa Fort Myers News-Press, isa sa mga buwaya ang nakasiksik ang nguso sa kanilang pintuan, habang ang isa naman ay nakanganga lang.


Sa video na ibinahagi ni Geshel sa Facebook, makikitang kinagat ng nakangangang buwaya ang kasama nito at itinulak pa lalo sa pader.

“They made a mess on the front door,” saad ng maybahay na ngayon lang daw nakakita ng buwaya sa 15 taon na paninirahan sa Pelican Preserve.

Makalipas ang 20 minuto bago umano umalis ang mga hayop; isa ay nakita niyang tumawid sa kapitbahay, habang ang isa naman ay hinihinalang dumiretso sa lawa.

Ayon kay Melody Kilborn, tagapagsalita ng Florida Fish and Wildlife Conservation Commission, ang insidente ay nagpapakita raw ng tipikal na reaksyon ng dalawang lalaking buwaya sa maliit o limitadong lugar.

“Alligators are most active and visible when the weather is warm, and in some places in Florida, that can occur year-round,” dagdag niya pa.

Facebook Comments