Babae, nagtamo ng 40 tahi matapos kagatin ng aso sa mukha habang nagpapakuha ng litrato

4318
Photo from Lara Sanson's Twitter

TUCUMAN, Argentina — Halos 40 na tahi ang kinailangan ng isang 17-anyos babae matapos kagatin ng aso sa mukha sa kasagsagan ng photoshoot.

Nagpapakuha ng larawan si Lara Sanson kasama ang aso ng kanyang kaibigan na pinangalanang Kenai nang bigla na lang itong umatake, ayon sa ulat ng La Nación.


Nakuhanan pa ng camera ang sandali na kinagat ni Kenai ang mukha ng dalagita na makikita sa Twitter post ni Sanson noong Enero 14.

Sa unang dalawang litrato, makikitang nakangiti si Sanson habang nakayakap sa nakadapang si Kenai, hanggang sa sumunod ay nasa bibig na ng aso ang mukha ng dalagita.

Nagtamo ng mga sugat sa kanang bahagi ng mukha si Sanson na tinahi ng 40 beses sa dalawang oras na operasyon.

Umabot umano ang mga tahi sa labas at loob hanggang sa kanyang gilagid.

Hindi naman daw masyadong nakaramdam ng pananakit ang dalaga sa mula sa atake ng aso hanggang sa pagkatapos ng operasyon.

Tanging pinoproblema niya lang daw ay ang ilang pamamaga at hirap sa pagkain.

Iginiit niya rin na ayaw niyang ipapatay si Kenai na marahil aniya ay natakot lang noong niyakap niya.

Ayon naman sa beterinayong si Juan Enrique Romero, marahil nasaktan ang aso kaya ito nangagat.

Facebook Comments