Babae, nailigtas ang sarili matapos ilibing nang buhay ng mga kapitbahay sa Ukraine

Screengrab from NTN video

Nakaahon sa hukay ang isang babae matapos umanong pahirapan at ilibing nang buhay ng mga lasing na kapitbahay sa Ukraine.

Nasa sariling bahay ang biktimang si Nina Rudchenko, 57, nang umatake umano ang magkapatid na suspek na kinilala lamang Oleg at Vladimir, edad 27 at 30, ayon sa local media.

Salaysay ni Rudchenko sa pulisya, pinagsusuntok siya ng mga suspek, at hinataw ng baseball bat bago tuluyang mawalan ng malay.


Nagising na lamang daw ang biktima sa sementeryo kung saan siya pinaghukay ng sarili niyang libingan.

Habang naghuhukay, nagbanta raw ang magkapatid na susunugin ang kapatid ni Rudchenko at ililibing naman ang kanyang bayaw kung hindi niya ibibigay ang kanyang bahay.

Hindi naman malinaw kung gaano kalalim ang hukay, ngunit sinabi ng biktima na pinilit niyang kumalma habang tinatabunan, hanggang sa umalis ang mga suspek.

Nagawa ng babae na makatakas mula sa hukay at gumapang pauwi sa bahay kung saan siya nakitang walang malay ng kanyang kapatid na nagsumbong sa pulisya.

Sa ulat ng NTN, aminado naman ang dalawang suspek na inatake ang biktima, ngunit depensa nila, ginawa lang nila ito dahil ninakaw raw ni Rudchenko ang kanilang aso, na nawala anim na buwan na nakalipas.

Nagtamo ang biktima ng mga pasa sa mukha at katawan, pilay at pagkabagok ng ulo.

Samantala, nahaharap naman sa hanggang limang taong pagkakakulong ang magkapatid na suspek.

Facebook Comments