Babae, nakatanggap ng malaking donasyon matapos magkunwaring may cancer

CHESTER SPRINGS, Pennsylvania – Arestado ang 32-anyos na babae nang makatanggap ito ng mahigit $10,000 o P506,900  na donasyon matapos magpanggap na mayroon siyang malalang sakit.

Batay sa reklamong inilabas ng Commonwealth of Pennsylvania sa Chester County, sa pamamagitan ng GoFundMe page at Facebook, nagsimulang mangalap ng pondo si Jessica Smith kasabay ng palabas na siya ay mayroong hereditary nonpolyposis colorectal cancer (HNPCC).

Humaharap raw siya sa patung-patong na gastusin gaya ng medical bills, travel costs, bayad sa tagapangalaga ng mga anak, at sumasailalim rin sa chemotherapy sa Penn Medicine.


Hindi na rin daw niya kayang tustusan ang mga bayarin dahil wala na umano siyang trabaho.

Ayon sa awtoridad, ang mga naturang salaysay ang nagtulak sa mga tao na magbigay ng donasyon na umabot pa sa mahigit $10,000 na agad namang ipinadala sa bank account ni Smith at ng kanyang asawa.

Sa pahayag naman ni GoFundMe spokesperson Meghan Scripture, nakikipagtulungan raw sila sa lokal na pamahalaan para sa imbestigasyon.

“All donations will be refunded to the donors in full and the user has been banned from the platform,” aniya.

Samantala, nagsimulang imbestigahan si Smith noong June matapos maglabas ng report sa pulisya ang isa sa mga kaibigan nito na duda sa pagkakaroon niya ng cancer.

Isang buwan makalipas ay pinatunayan ito ng kanyang asawa at sinabing mayroon siyang medical insurance mula sa kanyang employer.

Humaharap naman sa kasong ‘theft by deception and receiving stolen property’ si Smith at nakaplanong humarap sa court hearing sa darating na Lunes.

Facebook Comments