Muntikang makatakas ang isang 43 anyos na babaeng suspek sa pagnanakaw ng wallet sa loob ng isang ukayan noong hapon ng Pebrero 22, sa Brgy. Poblacion Zone 1, Villasis, Pangasinan.
Ayon sa biktima, dinikitan umano siya ng suspek habang bumibili ng damit at ilang saglit pa ay nahuling hawak na nito ang wallet ng biktima.
Kinompronta pa umano ng biktima ang suspek ngunit bigla na lamang itong tumakbo palabas ng establisyimento.
Naaresto naman kalaunan ang suspek ng mga rumespondeng pulis dahilan, upang marekober ang wallet ng biktima na naglalaman ng cash at iba pang identification card.
Natagpuan din ang isang blade sa loob ng bag ng suspek na pinaniniwalaang ginamit upang tastasin ang bag ng biktima.
Nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek na sasampahan ng kaukulang kaso.








